Ikinatuwa ng ilang mga taga-Maynila ang muling pagbukas ng Isetann Cinerama Complex sa Recto, matapos itong ipasara ni Mayor Isko Moreno dahil sa mga paglabag ng establisyimento sa mga patakatan hinggil sa business permits.
Noong Biyernes, opisyal nang binawi ang closure order.
Sa ulat ng 24-Oras nitong Biyernes ng gabi, sinabing nagpalakpakan at nagsigawan sa tuwa ang ilang mga trabahante ng mall sa muling pagbubukas nito.
"Kinabahan din po ako kala po namin 'di na po magbubukas itong mall. Siyempre, mahalaga sa amin ang trabaho namin," pahayag ng isang empleyado ng RTW section.
Matapos makapagbayad ng P3 milyon sa pag-aayos ng permits, pinayagan ng Manila City Hall na muling buksan ang Isetann, isa sa pinakamatagal nang mall sa lungsod.
Ayon sa ulat, kasama na sa halagang binayaran ang pagtatama sa floor area, permit para sa tatlong sinehan, tax adjustments, at iba pang bayarin.
"Everything is in order, complied and with amnesty applied because if not this will go over P5 million kung walang amnesty, pahayag ni Levi Facundo, hepe ng Bureau of Permits ng Manila City government.
Balik sa normal na rin umano ang operasyon ng 4th Floor ng mall kung saan nakapuwesto ang mga dating tindahan ng mga segunda manong cellphone, na ipinagbabawal na sa Maynila. —LBG, GMA News