Isa ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na si Antonio Sanchez, na hinatulan noon ng korte na guilty sa kasong panggagahasa at pagpatay sa kolehiyalang si Eileen Sarmenta, sa libu-libong preso na posibleng makalaya dahil sa mabuting asal umano na ipinakita sa loob ng kulungan.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kabilang si Sanchez sa mga kuwalipikadong mapababa ang sentensya batay sa mas pinalawak na Republic Act No. 10592.
Dagdag pa ni Guevarra, libu-libo ang posibleng pakawalan sa susunod na dalawang buwan.
Gayunman, hindi nabanggit kung kailan posibleng lumabas ng New Bilibid Prison si Sanchez.
Noong 1995, hinatulan ng Pasig Regional Trial Court si Sanchez ng pitong reclusion perpetua dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Sarmenta. Pinatay din ang kaibigan ni Sarmenta na si Allan Gomez noong 1993.
Kapwa estudyante ng University of the Philippines-Los Baños ang dalawang biktima.
Kinatigan naman ng Korte Suprema ang desisyon noong 1999.
Ang reclusion perpetua ay pagkakakulong ng 30 hanggang 40 taon.
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema nito lamang ika-25 ng Hunyo, masasaklawan na rin ng RA 10592 ang mga kasong naganap kahit bago pa ang taong 2013.
Ibig sabihin, mas maraming preso ang pwedeng mapababa ang sentensya batay sa kagandahang asal.
Layon daw nitong solusyunan ang isyu ng mga siksikang kulungan sa bansa. —Dona Magsino/LDF/FRJ, GMA News