"Sino suwerte? Yayaman, o ayan tae." Ito ang dismayado pero pabirong nabanggit ni Manila Mayor Isko Moreno matapos makatapak ng dumi ng tao nang suriin ang monumento ni Andres Bonifacio, na nasa tabi lang ng City Hall nitong Miyerkules.

Sa ginawang pag-inspeksiyon ni Moreno sa monumento, nakita niya ang mga dumi ng tao sa harap at gilid mismo ng bantayog. Natapakan pa niya ang latak ng dumi na nasa ibaba.

"O 'yan, sa likod ni Bonifacio, may tae. Sa paanan ni Bonifacio, may tae. Katabi ng opisina ng alkalde, 'yan o," dismayadong pahayag ni Moreno sa Twitter post ni GMA News reporter Tina Panganiban-Perez.

 

 

"Naapakan ko na nga eh. Sinong suwerte? Yayaman. O 'yan, tae. Ayan, nadale ko eh," dagdag pa niya sabay silip sa kaniyang sapatos.

Sinuri din ng alkalde ang bantayog ni Emilio Jacinto na hindi kalayuan sa lugar.

"Bayani ito, 'di ba? Tingnan niyo naman. Ganyan ba natin itrato ang mga bayani?" sabi ni Moreno dahil sa nakita niyang mga sulat sa resulto.

"Wala, nababoy eh. Ang panghi eh," patuloy niya. "Grabe, baboy na baboy itong lugar na ito."

 

 

Matapos isagawa ang pag-inspeksiyon, tinawagan ni Moreno si Manila Police District chief Vicente Danao at inirekomenda na alisin sa puwesto ang police community precinct commander sa Lawton na nakasasakop sa lugar. -- FRJ, GMA News