Patay na ang suspek sa brutal na pagpatay sa isang mag-asawang matanda matapos siyang mabaril ng kaniyang police escort na tinangka raw nitong agawan ng baril habang nasa loob sila ng police mobile at pabalik sa Camp Caringal sa Quezon City.
Ayon kay Rod Vega ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, nasa Kalayaan Avenue at pabalik na umano sa Karingal ang mga pulis at ang suspek na si Carl Joseph Bañanola matapos isailalim sa inquest proceedings sa piskalya.
Habang nasa biyahe, hiniling daw nito sa kaniyang police escort na luwagan ang kaniyang posas dahil masyado raw mahigpit.
WATCH: Pahayag ni Police Major Elmer Monsalve, hepe ng QCPD-CIDU kaugnay sa umano'y nanlaban at napatay na suspek sa pamamaslang sa dalawang citizen sa Quezon City. | via @Rodveg72 pic.twitter.com/59lzm7nOJM
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 29, 2019
Pinagbigyan naman daw ng katabi niyang pulis sa mobile ang kaniyang hiling pero bigla raw nang-agaw ng baril ang suspek.
Dahil dito, napilitan ang isa pang pulis na barilin siya.
Isinugod si Bañanola sa East Avenue Medical Center pero binawian din ng buhay, ayon kay National Capital Region Police Office chief Police Major General Guillermo Eleazar.
Iniimbestigahan naman kung nagkaroon ng iregularidad sa nangyaring insidente.
Bago nito, inaresto si Bañanola dahil sa pagnanakaw at pagpatay umano sa mag-asawang kapwa 80-anyos na sina Nicolas at Leonora Austria sa kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City.
Nasawi sa pananaksak ang mga biktima habang sugatan naman pero nakaligtas sa krimen ang kasambahay ng mag-asawa na pinalo ng tubo ng suspek sa ulo.
Naaresto kinalaunan ng pulisya ang suspek sa Caloocan City, na katatapos lang umanong gumamit ng droga.
Sa ospital, positibong kinilala ng kasambahay si Bañanola na pumatay sa mag-asawa.
Nang ipresinta ng pulisya sa media si Bañanola, galit at sermon ang inabot niya kay Eleazar.-- FRJ, GMA News