Tinanggihan ni Vice President at Liberal Party (LP) Chairman Leni Robredo ang pagbibitiw sa posisyon ng dalawang matataas na opisyal ng LP, sa pangunguna ni Senator Francis Pangilinan, na tumatayong presidente ng LP.
Bukod kay Pangilinan, nagbitiw din sa kaniyang posisyon si Quezon City Representative Christopher "Kit" Belmonte, bilang secretary general ng partido.
Ang pagbibitiw ang dalawa ay bunsod ng resulta ng halalan na wala pa ring kandidato ng LP sa senatorial race na nakakapasok sa "magic 12."
"The Vice President has not accepted Senator Kiko’s and Cong. Kit’s resignations. Much work remains to be done, and they will do it, together," sabi sa pahayag ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.
Inako ng mga nagbitiw na opisyal ng LP ang responsibilidad sa hindi magandang resulta ng halalan para sa walong LP senatorial candidates.
Sa walo, ang pinakamaraming boto na nakuha ay sina Senator Bam Aquino na nasa pang-14 na uwesto at pang-16 naman si dating Local Government secretary Mar Roxas, batay sa partial and unofficial results mula sa Comelec Transparency Server.
Ang anim na iba pa ay nasa pang-21 puwesto pababa.
"As campaign manager for the Otso Diretso slate, I was unable to ensure our victory in the elections and I therefore assume full responsibility for the outcome and hold myself primarily accountable for this defeat and have tendered my resignation as president of the LP effective June 30, 2019," sabi ni Pangilinan.
Sa kabila ng nangyari, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, na ginawa ni Pangilinan ang lahat para maipanalo ang kanilang mga kandidato.
"Pangilinan worked very hard and diligently to campaign for Otso Diretso candidates," sabi ni Drilon. "Unfortunately, we lost."
Ayon kay Drilon, kakausapin niya si Pangilinan para irekonsidera ang desisyon na magbitiw bilang presidente ng LP.-- FRJ, GMA News