Naghain sa korte ng voluntary corporate rehabilitation ang Hanjin Heavy Industries and Construction Company Philippines na nakabase sa Subic dahil sa pagkakalubog sa utang.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nag-file ng voluntary corporate rehabilitation sa Regional Trial Court ng Olongapo ang Hanjin bilang proteksyon sa mga pinagkakautangan nito.

Nahihirapan na raw kasi ang kompanya na makabayad ng utang sa bangko at nais nitong maiwasan na lalo pang lumaki ang babayarang interes.

Ang Hanjin ay pagawaan ng barko na sinasabing pinakamalaking investor at employer sa Subic.

Ayon kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairperson at administrator Wilma Eisma, nasa $400 milyon o mahigit P2 bilyon umano ang utang ng Hanjin sa mga bangko sa Pilipinas.

Bukod pa rito ang $900 milyon na utang nito sa ilang kumpanya sa South Korea.

"Hindi po ito bankruptcy, kung hindi po, humihingi po sila ng tulong," paglilinaw ni Eisma. "They're trying to be responsible at ayaw nilang hintaying mag-default sila sa kanilang mga utang kung kaya't minabuti nilang mag-file na po ng petition for rehabilitation."

Sinabi naman ng Department of Labor and Employment wala pa namang pasabi ang Hanjin na mawawalan ng trabaho ang mga Pilipinong empleyado ng 17 sub-contractors nito.

Gayunman, nabawasan daw ang oras ng trabaho nila kaya nabawasan din ang kanilang kita.

Ayon pa sa DOLE, malaki na ang ibinaba ng bilang ng mga empleyado ng Hanjin at mga sub contractor nito. Mula sa mahigit 31,000 noong 2016, ngayon ay nasa 3,812 na lang.

Idinagdag ng ahensiya na may anim na barko pa ang itatayo ng Hanjin kaya may pag-asa umano na hindi ito magsasara. Pero nangangamba ang SBMA kapag nakansela ang mga proyekto, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News