Patay nang mapuruhan umano sa kaniyang katawan ang isang 84-taong gulang na lola matapos siyang magulungan ng cement mixer sa bahagi ng Timog Avenue, Quezon City.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Emelia Traqueña, na hindi na naabutan pang hindi makagalaw at nakahandusay sa kalye matapos ang insidente.

Bago nito, sinabing patawid sila ng kaniyang anak na si Teresa nang mabundol siya ng sasakyan bandang alas dos ng hapon.

Doble ang pag-iingat ng mga rescuer sa paglapat ng first aid kay lola Emelia, na may malay pa nang isakay sa ambulansiya.

Ngunit sa kasamaang palad, dead on arrival na ang lola sa ospital.

Ayon kay Teresa, hawak-hawak niya ang kaniyang ina at papunta sana sa isang convenience store para sumakay ng jeep.

"Nakatawid na kami mabilis ung pangyayari, bigla na lang talaga siya nagulungan nu'ng gulong kaya ano na siya talaga, talagang pumailalim na siya ng gulong, ginulungan na siya," ayon kay Teresa.

Sinabi ng ospital na pinagdalhan ng lola na napuruhan sa katawan ang biktima.

"Hustisya na lang po siguro ang kailangan namin na iharap ko sa kaniya kasi ako mismo 'yung nakakita. Du'n sa nakasagasa 'wag naman po na hindi totoo, 'wag baliktarin. Talaga namang nagulungan," saad ni Teresa.

Kinilala naman ang driver ng cement mixer na si Stephen Maputol na tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera.

Ngunit sinabi niyang mabagal lang ang kaniyang takbo dahil may traffic sa lugar noon, at wala siyang napansing tumatawid.

Kung kaya nagulat siya nang bahagyang umangat ang mixer at may sumigaw na may nasagasaan siya.

Sinabi ni PO1 John Mallilin, imbestigador ng QCPD Traffic Sector 4 na nahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Mahigit 170 pedestrian ang namatay sa aksidente noong 2017 sa Metro Manila, ayon sa datos ng MMDA. —Jamil Santos/GMA News