Naglalakad lang daw ang isang babae sa Quezon City nang bigla siyang saksakin ng banana cue stick sa batok ng isang lalaki.
Ayon sa ulat ng "24 Oras: Weekend" nitong Sabado, alas-7 ng umaga nang saksakin si Diana Maey Cabalo habang naglalakad sa footbridge.
Umabot sa 2-3 inches ang lalim ng kanyang sugat.
Ayon sa YouScooper na si Mark Aycardo, isang taong taong grasa ang sumaksak sa biktima.
Posibleng may problema raw sa pag-iisip ang suspek na nasa kustodiya na ng mga awtoridad. Sa viral video, makikitang nakaupo sa sahig ang suspek na tila wala sa katinuan.
Naoperahan na raw at nasa maayos nang kalagayan ang biktima nitong Sabado.
Ayon sa kanyang doktor, "Around two to three inches ang lalim. Wala namang tinamaan na ugat, ang mga tinamaan lang dito 'yung mga muscles."
Sa kwento ng biktima, hindi raw niya kaagad napansin ang nakatusog na stick sa kanyang batok hangga't pinalibutan siya ng tao sa gilid ng daan.
"Sa una po, hindi ko po napansin na sinaksak po ako ng barbecue stick. So 'yung mga lumapit sa 'kin na mga tao, dun ko lang napansin," sabi ni Cabalo.
"Hindi ko talaga alam na mayroon pala akong kasunod na suspek noon na bigla nalang niya akong sinaksak," dagdag niya. — Margaret Claire Layug/MDM, GMA News