Kinontra ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa.
Itinuro ni Diokno ang mga numerong nagpapakita ng kasiglahan ng ekonomiya, kabilang dito ang 6.8 percent na pagtaas ng gross domestic product noong first quarter.
Ito umano ang pangalawang pinakamabilis na pagtaas sa Asya.
Binanggit din niya ang 13.6 percent na pagtaas ng paggastos ng pamahalaan noong first quarter ng 2018, kumpara sa 0.1 percent ng first quarter ng 2017.
“You look at the facts, not impressions, not perceptions, but the hard facts, and you'll be convinced that’s not what it is,” sabi ni Diokno sa isang breakfast forum sa Maynila.
Sinabi ni Duterte sa isang talumpati sa Davao City noong Martes na bagsak ang ekonomiya.
"Now, the economy is in the doldrums actually. Now, interest rates are picking up, are getting high, so it destroys..." sabi ni Duterte.
Sa tanong kung bakit nasabi ni Duterte na bagsak ngayon ang ekonomiya, sinabi ni Diokno na hindi niya alam.
"I really don’t know. I don’t want to comment ... You ask the Palace,” sabi ni Diokno.-- NB/FRJ, GMA News