Patay ang isang 50-taong-gulang na lalaki na umano'y lasing matapos iuntog ang kaniyang ulo sa pader at suntukin sa mukha ng isang barangay tanod sa Valenzuela City.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa video na naglalakad ang suspek na tanod na si Angelito Calderon habang hawak sa kamay at batok ang biktimang si Benjamin Mesina, na bulag ang isang mata.
Maya-masa lang, biglang isinalya ni Calderon sa pader at iniuntog ang ulo ni Mesina.
Sinuntok din ni Calderon sa mukha si Mesina na napabagsak sa semento.
Makikita sa video na sinubukang tumayo ni Mesina subalit hindi niya kinaya at bumagsak pa rin siya sa semento.
Ayon sa ulat, kinaladkad ni Calderon papunta sa isang eskinita si Mesina. Pero pagkaraan ng mahigit sampung minuto, rumesponde na ang ilang residente at itinakbo si Mesina sa ospital subalit idineklara siyang "dead on arrival."
Labis naman ang hinagpis ng ina ng biktima sa sinapit ng kaniyang anak.
"Maingay lang po 'yan pag lasing pero di po nananakit ng tao 'yan kahit kanino po kayo magtanong," sabi ni Emily Mesina.
Depensa ng suspek, sumaklolo lang siya matapos umanong ma-harass ng biktima ang kaniyang anak.
"Nasuntok ko po dahil palag nang palag. Alam ko naman pong napalakas 'yung salya ko sa kaniya," sabi ni Calderon.
Ayon sa mga awtoridad, dapat hinuli na lamang ni Calderon ang suspek at hindi na niya ito sinaktan pa.
"Partially blind 'yung tao tapos person in authority 'yung tanod, ginamitan niya ng superior force, inuntog niya sa pader. Sana inaresto niya na lang, pinakulong niya na lang kung magulo 'yung tao. Hindi niya ginamitan ng dahas," sabi ni Police Chief Inspector Rhoderick Juan ng Valenzuela police.
Humingi naman ng paumanhin si Calderon sa naiwang pamilya ni Mesina at iginiit na hindi gusto ang nangyari.
Pero nanindigan ang ina ni Mesina na hindi sila makikipagareglo sa suspek.
"Kahit na offer-an pa niya ko ng malaking pera, 'di ko tatanggapin dahil pinatay niya anak ko," giit ng ina ng biktima.-- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News