Nadiskubre ang naaagnas na bangkay ng isang retiradong US Army sa kaniyang apartment sa Quezon City niyong Lunes ng gabi. Ang may-ari ng apartment at mga kapitbahay, nagduda nang umalingasaw na ang nakakasulasok na amoy sa kanilang lugar.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita," kinilala ang biktima na si Wilson Tan, na natagpuan sa kaniyang unit sa Barangay Paang Bundok ng nasabing lungsod.
Unang inakala umano ng mga residente na nanggagaling lang ang masangsang na amoy sa patay na hayop kaya iniulat na nila ito sa pulisya. Alas-sais ng gabi nang pasukin ang apartment ng biktima.
"Inabangan namin dito 'yung pagdating ng may-ari na makapasok kami roon, dala kasi nila 'yung susi. Mga bandang alas-sais pasado, napasok namin 'yung loob at nakita na nga namin na nakahandusay 'yung bangkay," sabi ni kagawad Jesus Michael De Castro.
Ayon sa may-ari ng apartment na si Alejandro Cruz, noong una ay akala niya na patay na daga lang ang nalalanghap niyang mabahong amoy mula sa unit ni Tan, na Sabado pa raw niya napapansin.
Ngunit biglang naisip ni Cruz na halos isang linggo na niyang hindi nakikita si Tan kaya nagduda na siya.
"Isang linggo ko nang hindi nakikita si Wilson eh, so nu'ng pag-ano ko, 'yun ang pinagdudahan namin, so binuksan namin 'yung pinto so kasama ko 'yung mga pulis at saka barangay. Nakita namin patay na," sabi Cruz.
Walang alam si Cruz na kamag-anak ni Tan dito sa Pilipinas.
Patuloy na iniimbestigahan kung may naganap na foul play sa insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News