Isang lalaking matagal nang pinaghahanap ng pulisya dahil sa pag-akyat bahay at pangho-hold up sa Quezon City ang naaresto sa lamay ng kaniyang pinsan sa Cubao Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Unang Balita," kinilala ang suspek na si Jerry Molina, alyas "Untong," na arestado sa 18th avenue corner Zamora Street, Barangay San Roque, Cubao, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong pagnanakaw.

Sinasabing labas-masok sa kulungan si Untong, at may mga kasabwat pa kung saan nakakulong na sa Bilibid ang dalawa, samantalang ang isa ay patuloy na pinaghahanap.

"Meron siyang pondo. magpipiyansa, lalabas. Titira uli. may aakyatin na bahay, ako ang may alam, 'di ako ang leader ngayon," sabi ni Inspector Elmer Rabano ng PNP.

Dalawang araw daw na naghintay ang mga pulis bago naaresto ang suspek.

Matapos mambiktima, diskarte ni Molina na magtago sa Pandi, Bulacan o sa Nueva Ecija.

Ayon sa suspek, tumigil na raw siya sa kaniyang gawain.

"Dati, gipit na gipit ako, ginagawa ko po iyan. Pero ngayong may anak na ako, tumigil na po ako mag-iisang taon na po paglaya sa Munti," sabi ni Molina.

Depensa pa niya, may mga kakilala siyang magnanakaw sa nasasakupan ng QCPD at posibleng dinadawit lang ang pangalan niya.

"Pag titira sila, isisigaw yung pangalan ko. 'Ayan magnanakaw yang si Untong,' 'Untong tara na alis na tayo,' mga ganu'n."

Pero hindi pinaniwalaan ng mga pulis ang kaniyang depensa, at sinabing kasama siya talaga sa pagnanakaw kaya nababanggit nila ang kaniyang pangalan.

Ayon pa sa mga awtoridad, huling nagnakaw si Untong dalawang linggo pa lang ang nakakalipas.

"'Yung mga biktima niya hindi naman makumpronta siya nang harapan. Nu'ng makita, meron po kaming rogue gallery, na-identify po siya roon," sabi pa ni Rabano.

Hinihimok ng mga pulis na magpunta sa kanilang himpilan at magsampa na ng karampatang reklamo sa QCPD station 7 ang mga nabiktima ni Untong. —NB, GMA News