Nahuli ng mga taga-Cainta sa lalawigan ng Rizal ang dalawang pang sawa na gumagala sa isang subdivision doon, at pinaniniwalaang gutom at naghahanap ng pagkain.

Sa ulat ng ni Mark Zambrano sa "Unang Balita" sinabing ang isang sawa ay may haba na pitong talampakan, at ang isa ay aabot sa siyam na talampakan.

Ayon sa ulat, nahuli ang isa noon pang Miyerkules at ang isa nitong Huwebes.

Pinaniniwalaan ng mga residente na gutom ang mga sawa kaya gumala at naghanap ng makakain.

Natagpuan ang dalawang sawa malapit sa kabahayan sa Eastville Subdivision, San Isidro. Nasa pangangalaga na umano ng mga awtoridad ng barangay ang mga hayop.

Dati raw malawak na palayan ang San Isidro, ngunit lumiliit na ang mga natural na tirahan ng mga sawa kaya naghahanap sila ng pagkain sa mga bahay na itinayo sa lugar.

Ayon sa snake expert barangay, ito ang dahilan kung bakit madalas nang nakikita ang mga ahas sa lugar.

Pinayuhan ng mga awtoridad na tumawag ng mga eksperto sa tuwing makakakita ng mga ahas upang ligtas na mahuli ang mga ito.

"Mas mabuti po siguro na tumawag sila ng mga nakakaintindi para mahuli po nang buhay. Kasi nakakatulong ito para ma-minimize nila yung mga pesteng daga," ayon kay Rodel Arellano, snake expert ng barangay San Isidro.

Pinapaalalahanan ng barangay officials ang kanilang mga residente na huwag papatayin at respetuhin ang mga hayop sa kanilang paligid, kabilang ang mga ahas.

"Pinalakas po namin yung impormasyon tungkol sa [ahas] kasi parte yan ng kalikasan natin, eh. Sabi ko sa kanila, pag meron kayong nakita, huwag niyong gagalawin. I-inform agad kami kasi meron kaming mga ekspertong nanghuhuli talaga niyan," sabi ni Buboy Sauro, Barangay Captain ng San Isidro.

Dadalhin ng barangay officials ang aabot na sa tatlong ahas nanahuli sa barangay sa Parks and Wildlife Center para maalagaan ang mga ito. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News