Nahuli-cam ang pagragasa ng tubig na may kasamang mga lupa at bato mula sa bundok sa Natonin, Mt. Province nitong Huwebes ng umaga.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nangyari ang insidente kaninang dakong 11:00 am dahil sa pananalasa ng bagyong "Kristine."

Makikita sa cellphone video ang isang sasakyan na napatigil at napaatras nang makita ang rumasagasang tubig na may kasamang lupat at mga bato mula sa bundok.

May naitala ring landslide na naganap sa Barangay Alunogan sa Natonin, na isang sasakyan ang halos matabunan na ng lupa.


Sa hiwalay na ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras," sinabing binabantayan naman sa Baguio City ang mga barangay na tinukoy bilang landslide-prone areas.

Sa Barangay Lower Quirino Hill, kapansin-pansin na ang pagdausdos ng lupa mula sa bundok.

“Problema talaga namin dito is soil erosion lalo na kung na-saturate na ng ilang araw yung soil tapos biglang darating ang malakas na ulan. Malaking problema,” ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

--FRJ, GMA Integrated News