Agaw-atensiyon sa publiko ang ginawang renobasyon sa City Public Memorial Park sa Cagayan De Oro City na may playground, cottages, basketball court, at malalim na hinuhukay na inakala ng marami na gagawing swimming pool.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GM Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, nagpaliwanag ang City Environment and Natural Resources Office (CLENRO) kaugnay sa ginagawang mga proyekto sa naturang sementeryo na matatagpuan sa Barangay Camaman-an.
Ayon kay CLENRO Chief, Engr. Armen Cuenca, hindi swimming pool ang hinuhukay sa lugar kung hindi man-made lagoon na magiging imbakan ng tubig para malutas ang pagbaha sa sementeryo.
Minabuti na rin umano na lagyan ng "green spaces" ang sementeryo para sa mga bumibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Galing din umano sa pambansang pamahalaan ang pondo na ginamit sa proyekto na nagtatakda sa mga lokal na pamahalaan na maglaan ng "green spaces."
"Kung mag-anniversary magdala mo og pagkaon dili man mo maka-kaon didto kay wala man space dili pareha sa una ng itungtong nimo sa pantyon unya didto mo mangaon. So karon bisita mo didto pwede dayun mo muadto sa picnic grove,” paliwanag ni Cuenca.
Nilinaw din na bawal ang mag-overnight sa sementeryo at may ipatutupad na curfew simula ng 10 p.m. hanggang 6 a.m. sa susunod araw, mula sa October 31 hanggang November 3, 2024.
Bubuksan naman ang sementeryo para sa mga bibisita sa ganap na 6 a.m. hanggang 10 p.m.-- FRJ, GMA Integrated News