Inaasahan ng state weather bureau na PAGASA na lalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ng hapon ang bagyong "Kristine" na nanalasa sa Bicol Region at Luzon. Gayunman, posible umano itong bumalik sa PAR kapag nahila ng paparating na bagong bagyo.
Nitong Huwebes, patungo na si Kristine sa West Philippine Sea makaraang magpaulan sa Bicol Region at malaking bahagi ng Luzon nitong nakaraang mga araw, at kumitil ng nasa 20 katao.
Gayunman, habang papalabas ng PAR si Kristine, isang low pressure area (LPA) ang nabubuo sa silangan ng northeastern Mindanao na inaasahang magiging bagyo pagpasok sa PAR at tatawaging "Leon."
"There is a developing forecast situation wherein Kristine will be looping over the West Philippine Sea on Sunday (October 27) and Monday (October 28) and move eastward or east northwestward towards the general direction of the PAR region,'' ayon sa PAGASA.
Nakasalalay umano sa galaw ng bagong LPA kung ganap itong magiging bagyo at kung mahahatak nito pabalik sa PAR si Kristine, dahil sa tinatawag ng mga meteorologists na Fujiwhara effect.
Ang "interaksyon" ng dalawang bagyo ay depende umano sa magiging lakas at distansya ng mga ito sa isa't isa.
Ayon sa Hong Kong Observatory, dapat may layo na 1,350 kilometers sa isa't isa ang dalawang bagyo para mangyari ang Fujiwhara effect.
''The stronger cyclone tends to have a dominant effect on the track of the weaker one. The interaction will end when: there is a stronger influence of a large scale weather system from outside, one of the tropical cyclones weakens or the two cyclones merge,'' ayon sa Hong Kong Observatory.— FRJ, GMA Integrated News