Nanawagan si Marian Rivera sa publiko na magpaabot ng kanilang tulong sa mga kababayang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Kristine.
"May bagyo talaga ngayon at marami talagang nasalanta. Sana ay mag-ingat sila, tingnan natin kung ano pa ang puwede nating i-extend na tulong para sa mga kababayan natin," sabi ni Marian sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Huwebes.
Sa ulat naman ng Balitanghali, sinabing agad na tumugon ang GMA Kapuso Foundation at naglunsad ng Operation Bayanihan para sa mga apektado ng bagyo.
Bumiyahe ang mga truck na naglalaman ng donasyon sa Quezon Province at Albay.
Sa mga gustong mag-donate, maaaring magdeposito sa bank accounts ng GMA Kapuso Foundation Inc., o magpadala sa Cebuana Lhuillier.
Maaari ring magdeposito sa GCash, Shopee, Lazada, Globe Rewards at MetroBank credit card.
Ang mga donasyon ay 100% tax deductible at mag-donate lamang sa mga nasabing opisyal na channel.
Iwasan ding agad maniwala sa mga posibleng nagpapanggap na taga-GMA Kapuso Foundation.
Samantala, certified top-grosser ang pelikulang "Balota" na pinagbibidahan ni Marian sa opening week nito sa mga sinehan.
Sold-out ang maraming screenings ng "Balota" sa halos 200 na mga sinehan.
"Nakatataba ng puso dahil ang daming Pilipinong sumuporta sa pelikulang ito," anang Kapuso Primetime Queen.
May special rates din ang pelikula sa mga piling sinehan upang mas marami ang makapanood, lalo na ang mga guro at estudyante.
"Para sa kanila itong kuwento na ito. Inaalay natin sa lahat ng teachers talaga," sabi niya.
Maliban sa theatrical run sa bansa, nag-premiere rin ang Balota sa 44th Hawai?i International Film Festival.
Overwhelmed si Marian sa mga kaibigan at celebrities na sumuporta at nanood sa kaniyang pelikula na nasa ikalawang linggo na sa mga sinehan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News