Sa panayam ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, tinanong ang 47-anyos na si Sunshine Cruz kung handa na kaya siyang umibig muli?

Ayon sa aktres, masaya siya ngayon sa kaniyang buhay, kahit may dumating o wala na panibagong lalaki na magmamahal sa kaniya.

"Well I've been with an action star, I've been with an ano... basta ngayon, masaya lang ang buhay. Nandiyan ang mga anak ko, pamilya ko," sabi ni Sunshine.

Dagdag niya, "Kung wala, okay lang ako. Kung meron, okay lang din ako."

Sa ngayon, umiikot umano ang mundo niya sa kaniyang mga anak.

"Para sa akin kasi talaga, ang mundo ko, umiikot sa aking mga anak, sa pamilya ko. Kung may darating, 'Thank you Lord!' Kung wala, 'Thank you Lord!' pa rin, 'Kasi binigyan Mo ako ng tatlong magagandang anak.' Na eventually, kapag tumanda akong mag-isa, aalagaan ako," sabi pa ng aktres.

Kung magkaroon man ng panibagong karelasyon, nais daw ni Sunshine na maging pribado na lang ito.

"Ako nasabi ko na ito before. Magkaroon man ng someone na nandiyan para sa akin o hindi, it's something that I really don't want to talk about in public anymore," pahayag niya.

"Ang importante sa akin is ang approval ng mga anak ko, at kung may respeto ang mga anak ko, okay doon sa lalaki, then 'yun ang mahalaga," dagdag ng aktres.

Nagpaliwanag si Sunshine kung bakit nais niyang maging pribado na ang kaniyang lovelife.

"Para sa akin, ang hirap lang ma-involve ng public kasi mapaglalaruan. So hanggang maaari, kung meron akong dini-date o ide-date, what you see is what you get na lang. Kung makita niyo kami, eh 'di okay, kung hindi, okay," saad ng aktres.

"Pero para i-share pa ulit sa social media or sa public, especially kung 'yung lalaki hindi naman taga-showbiz, huwag na lang," patuloy niya.

Matatandaang na inihayag ni Sunshine noong nakaraang taon na isa ang pagkawala ng tiwala sa dahilan kaya nauwi sa hiwalayan ang relasyon niya kina Cesar Montano at Macky Mathay.

Na-annull ang kasal nina Sunshine at Cesar noong 2018. Habang ilang taon naman ang naging relasyon nina Sunshine at Macky bago ang kanilang hiwalayan.

May mga anak sina Sunshine at Cesar, na sina Angelina, Chesca at Sam.-- FRJ, GMA Integrated News