Sa pagbisita nina Sunshine Cruz at Ina Raymundo sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, ibinahagi nila ang kanilang mga payo sa kani-kanilang mga anak na babae pagdating sa mga manliligaw.
Ayon kay Ina, madalas niyang ipinapaalala sa kaniyang mga anak na dapat "play hard to get.”
“‘Wag mong ipakita sa kanila na dead na dead ka. Alam nila na ‘yon. Kinukwento ko ‘yung ginawa ko sa daddy nila, so hindi ako hypocrite. Kumbaga alam nila na ‘yun talaga ‘yung style ko na you have to play hard to get,” sabi ni Ina.
Si Sunshine naman, nais na sa bahay puntahan ng manliligaw ang kaniyang mga anak.
“Ang sinasabi ko sa kanila, kung may manliligaw, ang request ko lang, ‘wag kayong magkita sa labas. Kung nanliligaw, papasukin mo dito sa bahay. Hindi naman para takutin ko, but of course, kung maganda ang intensyon sa inyo, pupunta sa bahay, dito kayo liligawan,” paliwanag niya.
“Ayoko kasing nakikipagkita sa labas, Tito Boy. Babae ‘yung mga sa akin eh,” dagdag niya.
Mayroong apat na anak sina Ina at mister nito na si Brian Poturnak na sina: Erika, Mikaela, Anika, at Minka. Isa naman ang anak nilang lalaki na si Jacob.
Samantala, tatlo naman anak ni Sunshine sa dating mister na si Cesar Montano na sina Angelina, Sam, at Chesca.
Sa naturang panayam din, inilahad ni Ina na nagkaroon ng negatibong pananaw ang anak niyang si Erika patungkol sa mga lalaki.
"According to my eldest, Erika, men are *bleep*. So, negative, it's a definitely negative connotation. Kasi ang social media, exposed itong guys na kahit hindi naman kaguwapuhan, alam mo 'yun, may kaunting talent lang or marunong lang sumayaw, meron nang mga babaeng humahabol," sabi ni Ina.
"So for her, it's so hard to find that decent man nowadays," pagpapatuloy ni Ina.
Gayunman, ipinagmamalaki ni Ina ang kaniyang mister na si Brian, na mahigit dalawang dekada na niyang asawa.
"We've been married for 22 years, we've been together for 24 years, so that's literally half of my life. I'm so blessed na I have found him. Because of him meron pa ring positive connotation 'yung men," sabi niya.
Ayon kay Ina, pinayuhan niya ang anak na si Erika na may mga disente pa ring mga lalaki, at ang ama nito ang nagsisilbing patunay.
"That's why I always tell Erika, men are still, you know, I still love men, I mean, you cannot hate on them. Kasi meron pa ring isa riyan para sa 'yo na talagang laan ni God for you," sabi ni Ina sa anak.-- FRJ, GMA Integrated News