Nadakip ng mga awtoridad ang limang miyembro umano ng "Termite Gang" na dumaan sa manhole para malooban ang China Bank Camaro branch sa Quezon City. Nahuli ang grupo habang may minamatyagan daw na bangko na posibleng sunod na papasukin ng grupo.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang mga suspek na sina Jordan Duldulao, Neilbert Bautista, Alison Aliga, Jeraldyn Bawas at Ambrose Lex Layao.
Pero ayon kay Duldulao, "Yung mga kasamahan namin yung gumawa sir, kasi driver lang po ako."
Ayon sa mga awtoridad, nalaman ang kinaroroonan ng mga suspek sa tulong ng impormasyon na natanggap nila. Nakita ang grupo habang minamatyagan daw ang BDO branch sa Cubao na posibleng susunod na papasukin ng grupo.
"Yung isa nga, sakto, inabot pa namin, nagsusukat pa ng paa mula sa gutter nung EDSA papunta sa pintuan ng BDO," ayon kay Senior Inspector Alan Dela Cruz.
Natagpuan naman sa sasakyan ng mga suspek ang iba't-ibang kalibre ng baril, bala at mga gamit sa paghuhukay para makapasok sa bangko.
Gayunman, wala umanong pera na nabawi mula sa mga nadakip na suspek.
Iniimbestigahan din ng pulisya ang isang pulis na miyembro ng Special Action Force dahil natuklasan na ito ang may-ari ng bahay sa San Jose del Monte, Bulacan na ginawang hideout ng grupo.
Iniuugnay din ng mga awtoridad ang grupo na nasa likod ng panloloob sa mga pawnshop at hardware stores sa Gumaca Quezon, Cavite, Marikina at Tarlac.
Patuloy na hinahanap ang iba pang miyembro ng grupo. Nahaharap naman sa mga kasong robbery at illegal possession of explosives and firearms ang mga nadakip. — Jamil Santos/FRJ, GMA News