Muling naiyak sa harap ng mga senador nitong Martes si Philippine National Police chief Ronald "Bato" dela Rosa dahil sa pahayag ng isang mambabatas na tila may polisiya ang pamahalaan na patayin ang mga pinaghihinalang sangkot sa droga.

"I am grieving for the majority of my men na nakataya ang buhay nila tapos i-accuse n'yo kami ng polisiya na ganun. Masakit. Masakit, your honor," emosyonal na sinabi ni Dela Rosa sa pagtugon sa pahayag ni Senador Risa Hontiveros.

Kabilang si Dela Rosa sa mga dumalo sa pagdinig ng Senate public order and dangerous drugs committee kaugnay sa pagkamatay ni Kian Loyd delos Santos.

"Andyan si Lord, nakikita niya. I'm willing to go back to Davao City 'pag na-prove mo 'yan," patuloy niya. "You know me personally, your honor. 'Di ako papayag na gagamitin ang pulis sa masama."

Si Hontiveros ay asawa ni Francisco Baraquel Jr., na kaklase ni Dela Rosa sa Philippine Military Academy Class of 1986.

Tiniyak ni Dela Rosa kay Hontiveros na walang direktibang ibinibigay sa kaniya si Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga drug suspect.

"Mamatay man ako, walang sinabi sa akin si Presidente na pumatay kayo nang pumatay," ayon sa opisyal.

Noong nakaraang taon, naiyak din si Dela Rosa sa isang pagdinig ng Senado nang banggitin ni Sen. Miguel Zubiri ang tungkol sa pagkakasangkot ng ilang opisyal sa iligal na droga. (Basahin: PNP chief Dela Rosa becomes emotional during Senate probe). —FRJ, GMA News