Kinansela ng pamahalaan ang backchannel talks nito sa National Democratic Front sa Europe kasunod ng pag-atake ng pinaniniwalaang New People’s Army sa isang convoy ng Presidential Security Group convoy sa Arakan, Cotabato nitong Miyerkules.

“I am announcing the cancellation of backchannel talks with the CPP/NPA/NDF originally set within the next few days in Europe due to recent developments involving attacks done by the NPAs,” sabi ni Presidential peace adviser Jesus Dureza.

“The situation on the ground necessary to provide the desired enabling environment for the conduct of peace negotiations are still not present up to this time,” dagdag ng opisyal.

Una rito, kinumpirma ni Dureza na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang backchannel talks sa kaniyang pakikipagpulong sa government peace panel nitong Martes sa Malacañang.

Pero naninindigan si Duterte na hindi siya makikipag-usap tungkol sa kapayapaan sa mga komunista kung hindi sila titigil sa pakikipaglaban sa gobyerno.

Sinabi ng Palasyo na iginiit ito ni Duterte sa kaniyang pulong kasama ang mga government negotiators sa pamumuno ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Malacañang.

“President Duterte, for his part, stressed that the 'Reds' really need to stop engaging the military in Mindanao if they want to continue the peace negotiations, adding that the government has always dealt with the communist rebels in good faith,” sabi ng Malacañang.

Lumabas ang anunsiyong pagkansela ni Dureza ilang oras matapos atakihin ng mga komunista ang isang PSG convoy sa Cotabato.

Apat na PSG personnel ang sugatan matapos ang bakbakan.

Binanggit din sa isang ulat ng Police Region Office 12 na isang hindi pa nakikilalang sibilyan ang namatay sa insidente, samantalang isang asset ng Criminal Investigation and Detection Group na kinilalang si Rogelio Mago Genon ang dinukot.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News