Huli sa CCTV ang ginawang pagnanakaw ng isang bungkos ng brief ng isang lalaki sa may Litex Market sa Quezon City nitong Miyerkules ng umaga, ayon sa exclusive report in Cesar Apolinario sa 24 Oras nitong Biyernes.
Ayon sa ulat, dati na raw na nagnanakaw ng underwear ang 'di pa nakikilalang lalaki, na ang modus ay magpanggap na namamalengke.
Sa CCTV, makikitang dumaan ang suspek na may dalang bayong sa tindahan ng panty at brief. Nang makita niyang walang nagbabantay dito, nilapitan niya ang mga tinda at nagkunwaring tinitignan niya ang mga ito.
Nang nakitang may pampasaherong jeep na padaan, agad niyang sinikwat ang isang bungkos ng brief bago patakbong sumakay ng jeep.
Napakamot-ulo na lang ang tindero nang dumating siya at mapansing may mga nawawala na siyang tinda.
Ayon sa ulat, hindi lang ito ang unang beses na nakapagnakaw ang suspek sa lugar. Lagi raw nitong puntirya ang mga underwear.
"Hindi namin nabibilang [yung nananakaw na brief]. Nakikita ko pero minsan may binibili," sabi ni Amenudin Ahmad, nabiktimang tindero.
Tatlong beses na umano natangayan ng dose-dosenang underwear ang tindahan.
Bukod sa bayong, may dala pa raw na ibang props ang suspek.
Sa dami ng nanakawan ng underwear sa limang magkakaibang tindahan sa Litex, wala ni isa ang nagpa-blotter sa pulisya, ayon sa ulat ng 24 Oras.
"'Yung kooperasyon lang nu'ng mga biktima minsan. Kung kailan nakakarami na ang magnanakaw, saka naman sila pupunta rito," ani Arman Viduya, Deputy X-O ng Barangay Commonwealth, Quezon City. —Jamil Joseph Santos/KBK, GMA News