Marami ang namangha at humanga sa larawan na kuha ng isang astrophotographer mula sa Quezon City dahil napagsama niya sa isang frame ang Andromeda galaxy at Mayon Volcano. Bagay na pinagdududahan naman ng iba.
Sa video ng GMA Integrated News, makikita ang larawan na kuha ni MJ Magallon sa nagniningas na bunganga ng Mayon at kalapit niya ang Andromeda galaxy
Nasa layong 2.5 million lightyears mula sa Earth ang Andromed, at pinakamalapit na major galaxy sa Milky Way, na tahanan ng ating Solar System.
Sa gabi, puwedeng makita ng naked eye ang nasabing galaxy sa kalawakan.
Dahil na rin sa layo nito, may pagdududa si Dr. Dominic Guaña, physicist sa Philippine Space Agency, sa larawan na magkasama sa isang frame ang Mayon at ang "malaking" Andromeda galaxy.
Hinala niya, baka "blended" o edited ang larawan.
"Andromeda galaxy po 'yung photo na 'yon. Subalit 'yung laki ito po yung misleading. Hindi po ganun kalaki 'yon 'pag kinunan kasabay ng Mayon Volcano," saad ni Guaña.
"Possibility po niyan is separate 'yung Mayon Volcano and kinunan din ng separate 'yung Andromeda galaxy," dagdag niya.
Sabi ni Magallon, nakailang subok siya sa pagkuha ng naturang larawan.
"Doon sa kuha ko na 'yon 'yung Mayon para siyang magnet ng ulap eh so lahat ng ulap pumupunta sa kaniya halos so isa pa po yun obstruction," paliwanag niya.
"Very rare 'yung ganung klase ng photograph kasi it takes precise planning and technique to do it," patuloy ni Magallon.
Nanindigan din siya sa kaniyang larawan at wala raw siyang pinalitan o binawasan.
"I can contest that kasi if you’re using telephoto lens... hindi itsurang star ang Andromeda Galaxy. I took a series of photos habang palubog si Andromeda sa likod ni Mayon. Pumili ako ng pagpapatung-patungin ko. Sa astrophotography, tinatawag nila 'tong composite. Walang pinalitan, walang binawasan, pinagpatong patong lang just to improve the image quality," paliwanag niya.
"Ang real value ng photograph is nakunan ko sila nang sabay in one frame. Kaya proud ako sa image na 'yon," patuloy niya. —FRJ, GMA Integrated News