Halos P1.3 bilyon na ang pinagsama-samang premyo sa tatlong major lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa draw ng Ultra Lotto 6/58 nitong Linggo, December 17, 2023, walang tumama sa lumabas na mga numero na 52-07-09-29-37-38, na nagkakahalaga ng P500,000,000.00 ang jackpot prize.

Wala ring tumama sa kasabay nitong Superlotto 6/49 draw na ang lumabas naman na mga numero ay 02-07-29-06-45-15, at umaabot na ang premyo sa P297,442,106.20.

Nitong Sabado, wala ring tumama sa Grand Lotto 6/55 draw na P500 milyon din ang jackpot prize makaraang walang nakahula sa lumabas na mga numero na 25-20-24-28-06-09.

Pero muling magkakaroon ng tiyansa ang mga mananaya na mapanalunan ang kalahating bilyong premyo ng Grand Lotto 6/55 dahil may draw nito ngayong Lunes.

Nitong nakaraang linggo, sinimulan ng PCSO ang e-lotto trial run para sa 6/55 at 6/58, at itinaas ang jackpot prizes nito sa tig-P500-milyon.

Layunin ng e-lotto na mapataas ang kita ng PCSO. --FRJ, GMA Integrated News