Riot sa katatawanan ang aasahan kina Super Tekla, Donita Nose at Boobay dahil unang beses silang magsasama-sama para sa online show na "Comedy Night Live."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang poster ng Comedy Night Live na magsisimula nitong Disyembre 16 ng 8 p.m. sa lahat ng online platforms ng GMA.
"Riot ito, riot ito," sabi ni Tekla.
"'Yung sinabing 'no dull moment,' ito naman daldal moment ang magaganap," sabi naman ni Boobay.
"Kung may tinatawag sila na vaccine, ito 'yung mga 'Bak-scene.' Kami talaga ang gamot sa pandemya. Mga bakla kaya 'Bak-scene,'" ayon naman kay Donita Nose.
Napagkuwentuhan naman ng tatlong Kapuso comedian ang kanilang pagbabalik-trabaho, at sinabi nilang hamon ang pagsunod sa health protocols.
"Eight to 10 na swab test na 'yung naranasan ko simula noong nag-pandemya," sabi ni Boobay.
"Ako more than," ayon naman kay Donita.
Magsisilbi na ring Christmas party ang Comedy Night Live dahil magbibigay din sina Boobay, Tekla at Donita Nose ng papremyo bukod sa kantahan. -Jamil Santos/NB, GMA News