Dobleng kamalasan ang dinanas ng isang 64-anyos na babae habang tumatawid sa pedestrian lane sa Türkiye nang dalawang beses siyang mabundol ng dalawang magkaibang kotse sa loob lang ng limang minuto.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa Northwestern sa Türkiye

Sa CCTV footage, makikita ang babae na tumatawid sa pedestrian lane nang una siyang mabangga ng puting kotse.

Tumilapon ang babae at kaagad naman siyang tinulungan ng mga nakasaksi at tumigil din ang nakabanggang kotse.

Dahil nahirapang makatayo ang babae, nanatili siyang nakaupo sa gitna nang kalye hanggang sa nabangga na naman siya ng isang pulang kotse.

Nadamay din ang ilang tao na tumutulong sa kaniya.

Dinala ang babae sa ospital at nananatili sa ICU o intensive care unit.-- FRJ, GMA Integrated News