Inilahad ni Antonio Vinzon, anak ng veteran actor na si Roi Vinzon, na hindi siya nakaligtas mula sa pambu-bully dahil sa kaniyang katabaan noong bata pa siya.
"Noong bata po ako, sobrang tabain talaga ako dati. And grabe po 'yung discrimination, I get bullied everyday for a couple of years," pagbabahagi ni Antonio sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
Nakarinig din siya ng masasakit na salita na itinawag sa kaniya.
"Baboy,’ ‘pooka fish,’ ‘bumalik ka sa nanay mo.’ Lagi po akong binu-bully kaya nawawalan po ako ng confidence,” saad pa ng aktor na kasama sa bagong GMA TV series na “Mga Batang Riles.”
“Sometimes I want to quit na sa school dahil sa bullying. Sinusuntok ako everyday ng mga hindi ko kilala,” sabi pa ni Antonio, na anak ng aktor na si Roi Vinzon at dating band vocalist na si Jeaney David.
Sa kabila ng naranasan, hindi raw ito ikinuwento ni Antonio sa kaniyang mga magulang.
“Naging quiet po ako,” sabi niya, na idinagdag na ngayon lang niya ito ikinuwento sa publiko.
Dahil sa naranasang pambu-bully, sinubukan niyang magbawas ng timbang.
“Nagulat nga po sila (mga magulang) bakit ako pumayat agad for two months lang. Hindi po ako kumain, nag-diet po talaga ako. Hindi ako kumakain ng pagkain, inom ng tubig, ‘yun lang ang ginagawa ko sa buong buhay ko for two months. Na-shock po sila sa transformation ko na pumayat,” sabi niya.
Ayon pa kay Antonio, mula 20 hanggang 40 pounds ang kaniyang nabawas dahil sa hindi niya pagkain.
“Ngayon I’m blessed na nandito ako,” sabi ni Antonio.
Ngunit paalala ni Tito Boy, “Huwag hong gagayahin, kasi kailangan ‘yan may guidance. Medically may implication ‘yun eh.”
Naibahagi rin nina Raheel Bhyria at Bruce Roeland, mga kasamahan din ni Antonio sa “Mga Batang Riles,” ang kanilang mga insecurity sa sarili.
"Growing up kasi, hindi talaga ako confident and siguro with the way I look," sabi ni Raheel.
Ayon kay Raheel nagduda siya noon sa kaniyang kaguwapuhan.
"Parang ganu'n. Base sa experiences growing up, baka may root cause, hindi ka naman basta-basta lang biglang maging ganu'n. Pero nabi-build naman 'yan," sabi ni Raheel na mas confident na raw siya ngayon.
"Ako naman, it's always and will always be my arms," pagbabahagi naman ni Bruce.
"Na-trauma ako before kasi sobrang payat ko, and every single day may mga tao na nagsasabi na 'Para kang skeleton,' 'Para kang hindi kumakain,' tumatak sa utak ko,” sabi pa ni Bruce.
Kung kaya naman nakaugalian ni Bruce na tingnan ang kaniyang mga braso.
“Kahit na ngayon I feel confident, I always like to, like I touch it and see it to make sure it's okay.”
Gumaganap si Bruce bilang si Matos Victor, si Raheel bilang si Sig Borja, at si Antonio bilang si Dagul "Dags" Moreno sa "Mga Batang Riles," na napanonood ng 8 p.m. sa GMA Prime. -- FRJ, GMA Integrated News