Isang lalaki ang sinaksak at napatay sa mismong araw ng kaniyang kaarawan matapos na may magreklamo sa ingay na dulot ng videoke at pagpapatugtog sa speaker sa gabi sa General Trias, Cavite.
Sa ulat ni Jerick Pasilao ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ng live-in partner ng biktima na Linggo ng gabi nang sitahin sila ng kapitahay na bantay-bayan dahil sa videoke dakong 10:00 pm.
Itinigil naman daw nila ang videoke pero muli silang sinita nang magpatugtug naman ng speaker ang kapatid ng biktima.
Dito na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang magkabilang panig na nauwi na suntukan hanggang sa humantong sa pananaksak ng kasama ng bantay-bayan sa biktima at kapatid nito gamit ang "katana."
Nasawi ang nagdiriwang ng kaarawan, habang malubhang nasugatan ang kaniyang kapatid.
Ayon sa live-in partner ng biktima, nais lang ng kaniyang kinakasama na umawat.
Tumakas naman ang bantay-bayan at ang kasama niyang nanaksak. Patuloy silang pinaghahanap ng mga awtoridad.—FRJ, GMA Integrated News