Sa unang araw ng burol ng kaniyang fur dad, tila nadama na raw ng asong si "Miley" na wala na ang taong nagpalaki at nag-alaga sa kaniya.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na ini-upload ni Tyra Show, na makikita si Miley na nakapuwesto sa upuan na nasa tabi ng kabaong ng kaniyang fur dad na si Crizaldy Danan sa Pampanga.

Ayon kay Tyra, walang ganang kumain at tahimik lang si Miley nang araw na iyon na unang araw ng burol ng kaniyang ama.

Naisipan nilang ilagay ang aso sa upuan na tanaw ang larawan ni Danan na nakapatong sa kabaong.

Doon na raw nagtatahol at tumitingin sa kanila si Miley.

"Gisingin mo, sabihin mo tumayo siya. Tawagin mo siya, tawagin mo si Daddy Popoy," madidinig sa video.

Nang buhatin nila si Miley at iharap sa nakahimlay niyang fur dad, bigla na lamang tumahimik ang aso at makikita sa kaniyang mukha na tila nalungkot na parang iiyak.

"Naniniwala ako na yung aso talaga is a man's best friend. Talagang nararamdaman nila na kahit hayop sila talagang nararamdaman nila na wala na yung nag-aalaga sa kanila," sabi ni Tyra.

"Talagang nangingibabaw pa rin yung pagmamahal nila kahit na hindi sila tao," dagdag niya.

Sa pagkawala ni Danan, sina Tyra na ang kumopkop at nag-alaga kay Miley.--FRJ, GMA Integrated News