Isang chopper na nagka-aberya ang ini-airlift ng isa pang mas malaking helicopter sa India para sana ipaayos. Pero hindi na ito magagawa pa matapos na makadurog-durog nang sadya umanong ibagsak ng piloto sa kabilang helicopter habang nasa himpapawid.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, iniulat ng awtoridad na naunang nag-emergency landing sa Kedarnath ang mas maliit na chopper nang magkaroon ito ng aberya.
Napag-alaman na pag-aari daw ito ng isang pribadong kompanya at ginagamit na panghatid sa mga deboto ng isang templo.
Ipinadala ang mas malaking chopper na Mi-17 para bitbitin at madala ang nagka-aberyang chopper sa Gauchar airstrip upang doon sana kumpunihin.
Pero habang nasa ere, nakasalubong ang Mi-17 ng malakas na hangin kaya nawawalan ito ng balanse habang bitbit niya ang nagka-aberyang chopper.
Kaya kaysa maaksidente, minabuti daw ng piloto ng Mi-17 na ilaglag na lang ang bitbit niyang chopper, ayon kay Rahul Chaubey, District Tourism.
Ang helicopter na ini-airlift para sana ipagawa, nagkadurog durog matapos bumagsak sa bundok malapit sa Mandakini RIver.
Wala namang sakay na tao at wala ring mga gamit sa chopper nang i-airlift o bitbitin ng Mi-17.
Tiniyak din ng piloto na Mi-17 na walang tao na mababagsak ng helicopter na kaniyang ilaglag.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na nag-emergency landing na rin noong nakaraang Mayo ang ibinagsak na chopper dahil din sa mechanical issues.--FRJ, GMA Integrated News