Bukod sa matinding baha, nagdulot din ng takot sa mga residente sa Vadodara sa Gujarat, India, ang pagkakaligaw sa mga kabahayan ng mga buwaya na nabulabog sa kanilang tahanan nang umapaw ang ilog. Ang isang alagang aso, hindi nakaligtas.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video ang isang buwaya na umahon mula sa baha na may kagat na aso.
Wala na umanong nagawa ang amo ng kawawang aso matapos sakmalin ito ng buwaya.
Sa kabutihang-palad, wala namang naiulat na tao na nabiktima ng mga buwaya.
Tinamaan ang Vadodara ng severe flooding, kung saan maraming bahay at sasakyan ang nalubog nang biglang rumagasa ang tubig.
Halos taon-taon nang nararanasan ito ng mga residente dulot ng kawalan ng maayos na drainage system sa lugar.
Umapaw din ang mga ilog, kasama ang Vishwamitri River na tirahan ng nasa 300 buwaya.
Ang isang bahay, makikita na hinaharangan ng isang lalaki dahil may isang buwaya na tinatayang 15 talampakan ang haba na nasa labas.
Sumaklolo ang forest department upang maibalik ito sa ilog.
Base sa tala ng mga lokal na awtoridad, umabot sa 15 ang mga namatay dahil sa pagbaha. Hindi naman bababa sa 3,000 residente ang inilikas.-- FRJ, GMA Integrated News