Kung nahihirapan simulan ang fitness journey ngayong 2025 para mabawasan ang nadagdag na timbang nitong holiday season, alamin ang payo ng ilang fitness coach kung paano ito maisasakatuparan.
Ang financial analyst na si Martin Rosacay, balik na kaagad sa gym matapos ang holiday season dahil motibasyon niya sa sarili ang kaniyang kalusugan.
Mag-i-isang taon na raw siyang nag-e-ehersisyo sa gym.
“Para sa akin, para ma-burn lang yung mga extra calories na nakain ko nung holiday season kaya bumalik ako agad sa gym,” ani Rosacay.
Mas madalas naman daw na work from home ang project manager na si Arnel Mirondo, at sa kaniyang edad, nais na raw niyang maging malusog at fit.
Ang motivation daw ni Arnel sa pagbabalik sa gym, “Siguro yung huwag masayang yung pinagpaguran mo from last year and again the consistency, ‘yung consistent approach talaga will be the big difference.”
Inaya naman niyang mag-gym ang kaniyang kaibigan na si Noel Jumalon, na naging gym buddy na niya kalaunan.
Si Noel, na-diagnosed na may diabetes kaya malaking tulong daw sa kaniya ang pag-e-ehersisyo.
“It feels great, really good I think it’s very important to be healthy,” ani Noel.
Para sa mga hirap na bumalik sa pag-e-ehersisyo o gustong magsimula ng kanilang fitness journey ngayong 2025, payo ng fitness coach na si Karl Sison, magsimula nang dahan-dahan.
“Kung start slow na parang, okay, 10 minutes lang na movements sa morning tapos gradually nabi-build up hanggang maging consistent. Malay mo by March one hour na ‘yung consistency mo, hindi mo namamalayan," payo niya.
"Enjoyin mo lang huwag mong biglain ang sarili kasi before the next holiday naman may 11 months ka pa naman ulit to exercise hindi naman tayo nagmamadali,” dagdag ni coach Karl.
Sabi naman ng fitness coach na si Jason Gonzaga, dapat na mayroon motivation o kahit papaano ay inspirasyon kung bakit kailangang maging fit ang katawan.
Mainam din daw na magkaroon ng long term goal pagdating sa fitness para hindi kaagad sumuko sa pag- e-ehersisyo.
Nagbigay din ng tips si coach Karl para maging fit at healthy ngayong 2025. Kabilang diyan ang consistent movement, magkaroon ng tamang nutrisyon, i-manage ang stress sa pamamagitan ng paggawa ng mga aktibidad na makapagpapagaan sa kalooban at isip, at bigyang prayoridad ang pagtulog at recovery.
“Kapag nagpapahinga ka, doon nagbi-build yung muscle eh. Kasi kung Monday, nag-exercise ka, the next day sore ka so andaming may tinatawag sa science na micro tear, so may mga tear sa mga muscles, so para mag-recover ‘yon hindi mo siya kailangang bugbugin pa, kailangan mo siyang i-rest lang,” paliwanag ni coach Karl.
Mainam din daw na maging realistic sa pagse-set ng fitness goals.
“Ang pagbi-build din ng in terms of physique, building muscle, it takes a lot of time din talaga. So, huwag mong i-pressure ang sarili mo na parang, 'ah beach body na dapat in three months.' Take your time lang and just enjoy the process,” sabi pa ni coach Karl. -- FRJ, GMA Integrated News