Bukod sa mobile games, may "pabuhat" na rin sa basketball, gaya na lamang ng isang palaro sa Koronadal City, South Cotabato, habang pasan ng mga mister ang kanilang mga misis habang nagsu-shoot ng bola.
Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing ito ang kuwela at level-up na pakulo ng Sitio Datal Fitak sa Barangay Assumption noong Pasko.
Magkaka-pares ang mga kasali kung saan karamihan ay mag-asawa.
Habang naglalaro ng basketball, karga dapat ni mister ang kaniyang asawa. At ang tanging patakaran, maka-shoot ng bola habang may buhat.
Gaya naman ng normal na laro ng basketball, wagi ang koponan na may pinakamaraming score.
Ayon sa organizers, mithiin ng laro na mapasaya at mapagkaisa ang mga residente.
—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News