Arestado ang isang 26-anyos na lalaki matapos makuhanan ng high-grade marijuana o kush sa Brgy. Immaculate Conception Quezon City.

Nakasilid ang aabot sa 223 gramo ng kush sa kahon ng gatas na nagkakahalaga ng P334,500.

Ayon sa pulisya, may isang motorcycle rider na nag-deliver ng kahon sa fast food restaurant.

Nagtaka raw ang manager dahil wala naman silang inaasahang delivery.

“Natapat naman na sa manager niya iniwan at sinabing “ma’am iiwan ko ito mayroon po tatawag sa inyo na kukuha” parang ganon ang nangyari. Bago pa man makapagsalita yung manager dali dali umalis yung delivery boy na yon,” ani Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz, ang hepe ng Kamuning Police Station.

May kakaiba rin daw na amoy ang kahon kaya nagduda ang manager at tumawag na sa barangay. 

Nang buksan ang kahon, doon tumambad ang kush. 

“Sakto naman pagdating ng pulis ayun nga po may tumawag sa hotline nung ating fast food chain. Pagkatawag sinabihan nung isang naka-receive ng call na mayroon daw po dinala rito na box nagkamali raw po ng address yung may-ari papunta na rito para kunin yung box,” ani Lt. Col. Dela Cruz. 

Dumating ang suspek sa restaurant para kunin ang kahon. 

Nang maiabot na, inaresto na siya ng pulisya.

Nakakulong sa Kamuning Police Station ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag. 

Nasampahan na siya ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

VAL, GMA Integrated News