Nabulabog ang masarap na panonood ng mga tao sa loob ng isang sinehan sa Shandong, China dahil sa isang lalaki na biglang hindi makahinga makaraang tumawa nang malakas. Ang kinakain niya palang popcorn, bumara sa kaniyang lalamunan.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nasa kasarapan noon sa panonood ang mga tao
nang mabaling ang kanilang atensyon sa isang mag-asawang nakapuwesto sa bahaging gitna ng sinehan.
Itinuturo noon ng lalaki ang lalamunan niya at tila hindi siya makahinga.
Tinangka ng kaniyang misis na gawin sa kaniya ang Heimlich maneuver ngunit hindi niya ito kinaya.
Kaya isa sa mga kasama nila sa sinehan ang nagboluntaryong gumawa nito, at saka lang nailuwa ng lalaki ang bumara sa kaniyang lalamunan.
Nahihirinan na pala ang lalaki sa kinakain niyang popcorn, na dumiretso umano sa kaniyang lalamunan habang tumatawa siya nang malakas.
Naging maayos naman kaagad ang kondisyon ng lalaki kaya nagawa pa nila ng kaniyang asawa na ituloy ang panonood ng pelikula.
Batay sa mga lokal na ulat, unang beses na nagsagawa ng Heimlich ang lalaking tumulong sa mag-asawa, na sinubukan lamang umanong gawin ang mga dati na niyang napanood sa social media.
WATCH: Paano gawin ang Heimlich Maneuver para maisalba ang taong nabulunan?
Ang Heimlich maneuver ay isang first-aid technique kung saan inaalis ang nakabara sa daanan ng hangin sa lalamunan ng isang tao. --FRJ, GMA Integrated News