Nalagay sa alanganin ang buhay ng 12 window cleaners sa isang mataas na gusali nang tangayin sila ng malakas na hangin at lumambitin dahil sa masamang panahon sa Beijing, China.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing isinalaysay ng mga saksi na maayos naman ang lagay ng panahon noong umakyat ang mga tagalinis sa headquarters ng Chinese Central Television (CCTV).

Pero sa gitna ng paglilinis ng cleaners, biglang kumulimlim at lumakas ang hangin.

Mayroong 51 palapag at nasa 768 talampakan ang taas ng CCTV tower, na isa rin sa mga pinakamatataas na gusali sa Beijing.

“Think yourself lucky you’re not a window cleaner on Beijing’s CCTV tower. Here they were dangling on ropes swinging through the air this afternoon after a flash storm hit,” sabi ni Stephen Mcdonell, China Correspondent.

Umabot ng 15 minuto ang sama ng panahon habang nanatiling nakalambitin ang isang dosenang window cleaners. Nakababa lamang sila nang kumalma na ang hangin.

Wala namang napaulat na nasaktan sa kanila.

Base sa mga lokal na ulat, nakaranas din ng malakas na hangin at ulan sa ilan pang lugar sa Beijing.

Sa lakas nito, maraming puno ang nabuwal at napinsala ang ilang bahay at imprastraktura.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News