Nasagip ang isang pusa matapos itong mahigpit na kumapit sa door handle ng isang sasakyan upang makaligtas sa matinding pagbaha na nararanasan sa Dubai, United Arab Emirates.
Sa video ng Government of Dubai Media Office, na mapapanood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang basang basa ang pusa habang tinatangkang sagipin ang sarili mula sa baha.
Sa kabutihang palad, nakita at nilapitan ito ng rescuers bago maingat na isinakay sa kanilang bangka.
Nagkaroon ng pagbaha sa UAE matapos itong makaranas ng pinakamabigat na pag-ulan doon sa loob ng 75 taon.
Bumagsak ang ulan sa Dubai na katumbas ng isa’t kalahating taon ang volume sa loob lamang ng ilang oras.
Nagresulta ito ng mabilis na pagtaas ng tubig-baha.
Sinabi ng local media na walang sapat na imprastraktura ang UAE para sa mabibigat na pag-ulan dahil bihira itong mangyari sa kanilang tuyot na klima.
Hindi rin nakaligtas ang mga paliparan na nagresulta sa pagkaantala ng maraming flight.
Naapektuhan din ang operasyon ng maraming negosyo.
Naranasan din ang matinding pagbaha sa Oman, kung saan hindi bababa sa 19 ang namatay matapos ang tatlong araw ng mabibigat na pag-ulan.
Sinagip ang maraming residente gamit ang mga helicopter.
Nag-umpisa nang humupa ang pagbaha at isinagawa na ang clearing operations sa mga napinsalang istruktura.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News