Nanlumo ang mga diver matapos silang makakita ng isang pating na sugatan at tila nahihirapan dahil sa kakaibang bagay na nakakabit sa katawan nito sa New South Wales, Australia.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang video ng Forster Dive Center ng isang grey nurse shark na sugatan dahil sa isang "ring" sa katawan nito.
Dahil dito, nayupi rin ang isa sa mga palikpik ng pating.
“We encountered this poor grey nurse shark yesterday at Seal Rocks NSW. She’s been living with what looks to be a round ring of plastic similar to a frisbee, and it’s cutting badly into her body. She’s about 1.6m long and probably won’t survive too long like this,” saad ng Forster Dive Center sa isang pahayag.
Sa kasamaang palad, hindi maaaring hawakan ng diver na nakakita ang pating.
Nangako ang NSW Department of Primary Industries na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa insidente.
Gayunman, sinabing posibleng mahirapan ang mga awtoridad sa paghahanap sa pating.
“It is extremely difficult to respond to such reports, as locating that one specific animal and then getting close enough to remove the foreign material/obtrusion has proved extremely challenging on similar attempts," saad pa ng Forster Dive Center.
Ayon sa tala ng UNESCO, 8 hanggang 10 milyong tonelada ng plastic ang napupunta sa karagatan bawat taon.
Posibleng pagsapit ng 2025, mas marami nang basura sa dagat kaysa mga isda.
Kaya naman patuloy ang panawagan ng iba’t ibang grupo na pangalagaang mabuti ang mga karagatan sa pamamagitan ng maayos na pagtatapon ng basura. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News