Dalawang taon nang nakadetine ang 66-anyos na si "Tatay Muks" sa kasong hindi raw niya ginawa. At dahil sa kaniyang edad, nangangamba siyang hindi na niya makita ang mga mahal sa buhay, lalo na ang bunsong anak na may special needs dahil sa problema sa kaniyang mga mata.

Sa programang "Good News," sinabi ni Tatay Muks na elementarya lang ang natapos niya at hindi siya marunong magsulat. Ang kaniyang naging hanapbuhay sa labas, ang pagiging karpintero.

Kaya laking gulat niya nang makatanggap siya ng subpoena na nag-aakusa sa kaniya bilang general manager sa isang smuggling case na may kinalaman sa ilegal na droga.

Hinarap ni Tatay Muks ang mga awtoridad para itanggi ang paratang pero umusad ang kaso hanggang sa idetine na siya sa Metro Manila District Jail sa Taguig habang patuloy na isinasagawa ang pagdinig.

Sa loob ng piitan, nagsilbing tatay-tatayan umano ng mga mas nakababatang PDL o person deprived of liberty si Tatay Muks.

Ayon kay Jail Officer Anelisa Nabutil, ng records and disciplinary officer, nirerespeto ng ibang PDL si Tatay Muks, at maganda ang ipinakita niyang pag-uugali sa loob ng detention facility.

Bagaman limitado ang kaniyang maaaring gawin sa piitan, ipinagpapasalamat ni Tatay Muks ang kaunting kaluwagan na nararanasan sa loob.

Nakakapag-jogging daw siya pataas, nakakapanood ng tv, may pagkain, pero hindi nga lang siya basta-basta makalalabas para makauwi sa bahay at makapiling ang kaniyang pamilya.

Laging nasa isip ni Tatay Muks ang kaniyang mga mahal sa buhay, lalo na ang kaniyang asawa at bunsong anak na may special needs.

Dahil malayo ang kanilang bahay, hindi rin siya palaging nadadalaw. Kaya pinapangarap niyang matapos na ang kaso at makalabas na siya ng piitan.

Nais na rin niyang makasama at mayakap ang kaniyang pamilya, lalo na ang bunsong anak na may special needs na ang pagkakaalam ay nagbabakasyon lang siya.

Tinatanong daw siya nito kung kailan matatapos ang kaniyang bakasyon para magkasama na silang muling at mayakap siya.

Dahil sa kaniyang edad, may mga nararamdaman na rin si Tatay Muks gaya ng paglabo ng mga mata.

Nangangamba siya na baka hindi na niyang makitang muli ang kaniyang mga mahal sa buhay.

Dahil nakakulong din, hindi na naiisip ni Tatay Muks na maipapagamot pa ang kaniyang mga mata.

Ayon sa Opthalmologist na si Dr. Joanna Camille See Co, mayroong Pterygium o "pugita" sa mata si Tatay Muks na maaaring dahilan ng iritasyon kaya nagkakaroon ng "laman."

Maaari din na makuha ang sakit na ito sa mata sa pamamagitan ng UV radiation mula sa araw o sanhi rin ng hangin. Mayroon din siyang catarata sa dalawang mata.

Ang hindi alam ni Tatay Muks, mayroong programa ang Bureau of Jail Management and Penology, na namamahala sa mga piitan, na naglalayong tulungan ang mga nakadetine na katulad ni Tatay Muks.

Kasama sa mga tinutulungan nila ang mga katulad ni Tatay Muks na walang kakayahan sa buhay at mayroong magandang record habang nakadetine.

Kaya naman naipaopera ang mga mata ni Tatay Muks upang maibalik ang linaw ng kaniyang paningin, at mas maayos na makita ang mga mahal sa buhay kapag muli silang nagkita.

Bago at matapos ang operasyon, nagkaroon din ng pagkakataon si Tatay Muks na makausap ang kaniyang pamilya kahit man lamang via online muna.

Tunghayan ang buong kuwento ni Tatay Muks sa video na ito ng Good News.-- FRJ, GMA Integrated News