Pumanaw na ang isang lola na kabilang sa 31 tao na nasugatan sa nangyaring aksidente sa NLEX sa bahagi ng San Fernando, Pampanga nitong bisperas ng Pasko.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima, na kabilang sa mga sakay ng mini bus na puno ng pasahero na bumaliktad matapos makabanggaan ang isang Asian Utility Vehicle (AUV).

Ayon sa kaanak ng pamilya ng biktima, itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso na reckless imprudence resulting to homicide laban sa drayber ng mini bus at AUV.

Kabilang din sa mga nasugatan sa naturang sakuna ang ilang bata.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nawalan ng kontrol ang driver ng mini bus at bumangga sa AUV.

Samantala, sugatan ang driver ng isang SUV na tumilapon at nakahagip pa ng kotse sa Skyway sa bahagi ng Muntinlupa City na nagdulot ito ng mabigat na traffic sa araw pa naman ng Pasko.

Mapalad na nakaligtas ang driver ng kotse at dalawang sakay.

Ayon sa driver ng kotse, batay sa pahayag sa kaniya ng SUV driver, nag-"cut" sa kanya ang isang jeep kaya nawalan ng kontrol sa manibela hanggang sa lumipad papunta sa kabilang linya at bumangga sa mga biktima. — FRJ, GMA Integrated News