Isang buhay na bagong silang na sanggol ang natagpuang nakasilid sa eco bag na iniwan sa gilid ng isang hotel sa Malabon. Ang lalaking nag-iwan ng eco bag, nakipag-tsikahan pa sa tinderang unang nakakita sa sanggol.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing nakakabit pa ang pusod ng sanggol nang makita.

Ayon sa tindera na kinilala lang bilang si "Kikay," na unang nakakita sa sanggol, may nakatakip umanong  napkin sa sanggol habang nasa loob ng eco bag.

Nang tanggalin umano niya ang nakpin, umiyak ang sanggol na inilarawan niyang malusog.

Ngunit bago nito, isang lalaki umano ang tumawag sa kaniyang atensyon at itinuro ang eco bag na may sanggol.

Napansin daw ni Kikay na may dugo sa paa ng lalaki pero itinanggi nito na may kinalaman siya sa eco bag.

"Sabi ko baka sa iyo ito dala mo. Sabi niya, 'hindi ah.' Nangangalakal lang daw siya. Nagpatawag ako ng taga-barangay. Pagdating ng taga-barangay nawala yung lalaki," ayon kay Kikay.

Ayon sa pulisya, nang suriin nila ang CCTV camera sa lugar, lumitaw na ang lalaking tinutukoy ni Kikay ang nag-iwan ng eco bag na may sanggol.

Maayos naman umano ang kalagayan ng sanggol, habang hinahanap na ang lalaking nag-iwan ng eco bag na maaaring maharap sa kaukulang reklamo.-- FRJ, GMA Integrated News