Dinala sa simbahan at pinabasbasan ang isang 14-anyos na babae nang bigla itong mawala sa sarili at nagwawala ilang oras matapos na maglaro ng spirit of the glass sa Ormoc City.
Sa ulat ni Lou Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa video na pinipigilan ng mga kamag-anak ang babae na residente ng Barangay Tambulilid.
Ayon sa tiyahin ng dalagita, Miyerkules ng hapon nang maglaro ng spirit of the glass ang kaniyang pamangkin kasama ang isa pa nitong kapatid at tatlong kapitbahay.
Matapos maglaro, nag-aya umano ang dalagita na magpunta sila sa simbahan para magtirik ng kandila.
Ngunit nang nasa lugar na, ayaw na nitong pumasok sa simbahan at nagsimula nang magbago ng ikinikilos.
Nagtangka pa umano itong magpasagasa.
"Nang gabing 'yon napansin na tila tulala siya. Kinakalmot niya ang kaniyang sarili, kinakagat niya sarili na," sabi ng tiyahin na si Giselle.
Nang minsan na nahimasmasan ang dalagita, nagsalita umano ang kaniyang pamangkin na kukunin siya ng "pamilyang itim."
Matapos nito, patuloy na ang pagwawala ng dalagita at sinasabi na, "Akin na ito, matagal na, akin na siya."
Nagpatawag ang pamilya ng albularyo pero nang hindi pa rin bumabalik sa normal ang kilos ng dalagita nitong Huwebes, dinala na siya sa simbahan para madasalan.
Makaraang mabasbasan ng pari, sinabi ng tiyahin na bumuti na ang pakiramdam ng dalagita.
Ayon sa pari, hindi dapat naglalaro ng spirit of the glass dahil maaaring makatawag ito ng masamang espiritu.
Sinabi naman ng isang psychologist na ang hindi normal na kilos ng isang tao ay pagpapakita ng schizophrenia o psychotic episode.
"We will never know unless we give a full psychological evalution ti the person concern," paliwanag ni Dra. Sherryl Diaz Muli. -- FRJ, GMA Integrated News