Peke umano ang protocol plate no. 7 na pang-senador na nakakabit sa isang puting sports utility vehicle (SUV) na tumakas matapos sitahin ng traffic enforcers dahil sa pagdaan sa EDSA Busway nitong Linggo.
Inihayag ito ni Senate President Francis "Chiz" Escudero nitong Lunes ng hapon na peke ang naturang plaka base umano sa pagsusuri ng Land Transportation Office (LTO), batay sa kuha ng video sa sasakyan.
“Napatunayan ng LTO na peke yung plaka na ginamit ng SUV sa video. [Pero] hindi dapat magtapos dito ang isyu na ito. Kailangan matukoy ng LTO kung sino ang may-ari ng sasakyan at siguraduhin na mananagot ito sa paglabag ng batas,” ayon kay Escudero.
Nauna nang nagpahayag ng pagdududa si Escudero sa nakitang protocol plate sa SUV batay sa video na kuha ng mga tauhan ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation's (DOTr-SAICT).
Paliwanag ng Senate president, walang ibang marka na makikita sa plakang “7” na ginagamit ng mga senador, tulad ng taon na nakita sa plaka ng SUV.
Sa kabila ng mabilis na aksyon umano ng LTO, sinabi ni Escudero na dapat maparusahan ang may-ari ng sasakyan.
"This particular incident should not go unpunished. Not only was it a violation of multiple laws and traffic rules, it also affects the sanctity of the Senate as an institution,” giit ni Escudero.
Nauna nang inihayag ng LTO na, "there was no protocol plate issued to the particular SUV" na nasangkot sa naturang insidente.
"Currently, we are coordinating with the DOTr-SAICT for more specific details of the white SUV that will lead to the identification of the registered owner," ayon sa LTO.
"We assure the public that a Show Cause Order (SCO) will be issued to the registered owner and the driver of the SUV involved in the soonest possible time for them to explain the string of violations we already identified based on our existing laws and rules and regulations, including disregarding traffic signs and improper person to operate a motor vehicle," dagdag nito.
Nakikipag-ugnayan umano ang LTO sa tanggapan ni Escudero tungkol sa mga impormasyon na makukuha nila kaugnay sa SUV na nakuhanan ng video na umuusad pa rin kahit may enforcer sa kaniyang harapan nang sitahin.
Batay sa patakaran ng DOTR, ang mga maaari lang na gumamit ng busway ay ang:
- LTFRB-authorized buses for the EDSA busway route, including buses with special permits and/or franchises to operate on the EDSA busway route;
- on-duty ambulances, fire trucks, and Philippine National Police vehicles;
- service vehicles performing their duties for the EDSA Busway Project, including but not limited to construction, security, janitorial, and maintenance services within the EDSA Busway;
- President of the Philippines;
- Vice President of the Philippines;
- Senate President;
- Speaker of the House of Representatives; and
- Chief Justice of the Supreme Court.
May multang P5,000 sa unang paglabag sa pagdaan sa EDSA Busway, at P10,000, sa second offense, at may kasamang one-month suspension ng driver’s license, at mandatory road safety seminar.
Sa ikatlong paglabag, multang P20,000 ang ipapataw sa motorista, bukod pa sa one-year suspension ng driver’s license. Habang P30,000 ang multa sa ika-apat na pagkakataon na masisita, at posibleng tanggalan ng lisensiya ang driver.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News