Makaraan ang mahigit 100 taon, muling nakita sa Manila Bay ang isang uri ng pambihirang ibon na itinuturing na rin na critically endangered.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuhang larawan ng bird watcher na si Irene Dy sa tinaguriang bird of legend ng mga Tsino na Chinese crested tern.
Ang naturang ibon ay tinatawag umanong “bird of legend” sa China dahil pinaniwalaang extinct na sila. Pero noong taong 2000, nakitang muli sa kalikasan ang mga Chinese crested tern.
"Yung ulo niya ay mayroong short na crest, may nakatayong mga balahibo. Kapag siya ay nagbi-breed, nagiging itim ang kulay ng ulo niya. Pero kapag non-breeding, yung forehead niya ay white," paliwanag ni Dr. Carmela Espanola, associate professor ng Institute of Biology, UP Diliman.
Ang pinakaunang naitalang sighting umano sa Chinese crested tern sa Pilipinas ay noong 1886. Ngunit noong 1905 lamang ito unang nakita sa Manila Bay.
Magmula noon, naging mailap na ang naturang ibon at napakahirap nang makita. Hanggang sa sumapit ang 2018 ay nakita ito sa Davao.
Mula nang mabalitaan na may nakikitang Chinese crested tern sa Manila Bay, maraming bird watchers ang dumayo sa lugar. Bagaman hindi madali ang paghahanap, sulit naman ang pagod kapag nagpositibo ang kanilang lakad.
Bukod sa pambihirang uri ang Chinese crested tern, ikinukonsidera na rin sila ng International Union for Conservation of Nature na critically endangered.-- FRJ, GMA Integrated News