Kakaiba ang hitsura ng isang tupa na isinilang sa Casiguran, Aurora. Ang hinihinalang dahilan nito, ang tinatawag na "inbreeding."

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing isa lang ang mata ng tupa at deformed ang mukha.

Para mabuhay, mano-mano ang ginagawang pag-aalaga sa kaniya ng may-ari na si Alvin Salamera, na isa ring farm technician sa Provincial Veterinary Office.

Ayon kay Salamera, side effect ng tinatawag na inbreeding ang dahilan ng abnormalidad sa hitsura ng kaniyang tupa.

Nangyayari ang inbreeding sa mga hayop gaya ng tupa, kambing, kalabaw at iba pa, kung magkakalapit ang relasyon ng dalawang hayop na nagtalik.

"Iniiwasan din po natin yung pagkakaroon ng inbreeding at least one to two years kailangang makapagpalit ng bucks o bulugan para hindi magkaroon ng abnormalities ang hayop," payo niya.-- FRJ, GMA Integrated News