Labis ang pagsisisi at paliwanag ng dalawang estudyante na inaresto bunga ng kanilang larawan na naka-dirty finger habang may mga pulis sa kanilang likod sa Cebu City.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, mga pulis ng Waterfront Police Station sa Cebu City ang umaresto sa dalawang estudyante.

Ginawa ng dalawa ang pagkuha ng larawan noong Linggo ng gabi sa Barangay San Roque. Samantalang ang mga pulis naman na nagmistulang background ay kabilang sa mga nagbabantay para sa seguridad sa Sinulog festival.

Idinahilan ng mga estudyante na hindi nila intensyon na maisama sa larawan ang mga pulis.

Idinagdag nila na may ipinadala raw sila na unang larawan sa kanilang mga kaibigan pero matagal daw na nag-reply ang mga ito kaya nagpadala uli sila ng larawan na siyang naging kontrobersiyal.

Sa kabila ng kanilang paliwanag, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Janette Rafter, deputy director for operations of the Cebu City Police Office, na itutuloy nila ang reklamong unjust vexation laban sa dalawa para hindi sila pamarisan ng iba.-- FRJ, GMA Integrated News