Habang nasa loob ng sako, pinagbabato at pinaghahampas ng isang babae ang isang cobra na nasa loob na ng sako. Ang cobra, hinihinalang tumuklaw sa isang lalaki habang umiihi sa Paniqui, Tarlac.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng mga kamag-anak na umiihi sa labas ng bahay ang 27-anyos na biktimang Jay Ar Bungay, nang gumapang sa paanan niya ang cobra at tinuklaw siya.
Ayon sa ina ni Bungay na si Alma, sinubukan nilang padugin ang sugat ng anak. Ang biktima rin daw ang nagtali mismo sa sugat.
Matapos nito, isinugod nila ang biktima sa ospital pero hindi na naisalba ang kaniyang buhay.
Tumawag naman ng snake hunter ang pamilya para mahuli ang cobra na nakita sa likuran ng bahay.
Ayon sa snake hunter na si Rex Mallari, posibleng galing sa kalapit na bukid ang ahas at gumapang sa papunta sa poso kung saan mayroong tubig.
Pero dahil sa sinapit ni Bungay, hindi nakapagtimpi sa matinding galit ang kaniyang kapatid kaya pinagbabato at pinaghahampas niya ang cobra na nasa loob ng sako.
Sa ilalim ng Wildlife Resources Conservation and Protection Act 2001, ipinagbabawal ang pagpatay sa wild animal kabilang ang cobra.
Nagpaalala rin ang Department of Environment and Natural Resources sa publiko na mas mabuting i-turnover sa kanila ang mahuhuling wild animals. -- FRJ, GMA Integrated News