Sa halip na 18 candles o 18 roses, 18 na biik ang natanggap ng isang debutante sa Sariaya, Quezon.

Sa ulat ng GTV Balitanghali nitong Huwebes, makikita ang ilang larawan mula sa TradeMark Events by Mark Gil M. Manalo, sa ginanap na 18th birthday celebration ni Antonyt Cosico.

Nilagyan pa ng ribbon ang mga biik, na terno sa motif ng pagdiriwang.

Bukod sa mga biik, nakatanggap din si Cosico ng iba't ibang "feeds" na regalo.

Ayon kay Cosico, inspired ang pakulo ng kaniyang party sa piggery business ng kanilang pamilya.

Pangako niya, kapag lumaki at nanganak na ang kaniyang mga alaga, siya naman ang magreregalo ng mga biik. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News