Humihingi ng tulong ang isang ina para maipatanggal ang tumubong braso at kamay sa likod ng kaniyang anak upang makapamuhay nang normal ang bata.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Mercy Corpin na wala namang nakitang iregularidad sa hitsura ng kaniyang anak na si Mika nang magpa- ultrasound siya nang ipinagbubuntis niya ito ng walong buwan.
Pero nang isilang niya na si Mika, nakita niyang tatlo na ang braso nito na may kamay. Kasabay na lumalaki ng bata ang ekstrang braso na may kamay, at humahaba rin ang kuko nito.
Maingat daw na ginugupit ni Mercy ang kuko.
"Hindi ko po siya puwede masugatan kasi sabi po sa 'min ng doktor mabilis maimpeksyon. Konting angat lang po. 'Pag inangat po nang mataas, nasasaktan po siya," sabi ni Mercy.
Dahil sa likod tumubo ang braso, patagilid kung matulog ang bata.
Ipinakita ng GMA Kapuso Foundation kay Dr. Beda Espineda, pediatric surgeon at chairman ng World Surgical Foundation Philippines, ang kalagayan ni Mika.
Ayon kay Espineda, tinatawag na "parasitic twin" ang ikatlong braso ni Mika.
"Ibig sabihin, wala namang buhay. May isang parte lang na dumikit," anang doktor. "Pero hindi naman po naapektuhan 'yung spinal cord. Kung pareho pa rin, kaya po naming i-separate o tanggalin 'yon."
Kaya naman umaapela si Mercy sa publiko ng pinansiyal na tulong para matustusan ang pagpapa-opera kay Mika.
"Sana po matulungan para po habang lumalaki po siya hindi po siya ma-bully sa school o ng mga bata po rito. Pangarap ko po na makapagtapos siya at maging malusog na bata," hiling ng ginang.
Sa mga nais tumulong kay Mika, maaaring magpadala ng donasyon sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng bank deposits, Cebuana Lhuillier, GCash, Shopee, PayMaya, Zalora, MegaMart, Globe Rewards, Metrobank credit card, at Lazada.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang GMA Kapuso Foundation website. —FRJ GMA Integrated News